April 23rd, 2006
Archives

DAKILA KA, ATE TERE!

Nakakatuwang isiping nakatawag-pansin kahit papaano ang kaganapan sa aming pamantasan kamakailan lamang nitong Biyernes. Ginanap ang taunang pagtatapos ng mga mag-aaral ng Cavite State University sa aming (finally) ipinapagawang grandstand, kabilang ang mahal (duh?) nating Pang(g)ulong Gloria Macapagal-Arroyo sa mga natatanging panauhin.

Sa kalagitnaan ng maayos na pagtatalumpati ng aming mahal (duh?) na Pangulo, may isang babaeng naglakas-loob na ihiyaw nang ubod nang lakas ang aming isinusulong sa buong taon ng aming paninilbihan bilang mga manunulat at student leaders ng aming pamantasan.
“Patalsikin si Gloria”, natalimbag sa puting pintura sa malapad na pulang katsang tangan ng aking kasamahang si Maria Theresa Pangilinan. Ngunit lingid sa kaalaman ng lahat, mas sanay namin siyang tawagin sa pangalang ‘Ate Tere’…


Si Ate Tere, noo’y 3rd yr Mass Comm student pa lamang, ay isa sa mga nakasama ko sa batch 2004 ng mga baguhang dyarista ng aming publikasyong The Gazette sa CvSU. Matapang, mahinahon, at matalino, tumayong ate at ina si Ate Tere sa aming lupon, kasama ang ilan ko pang mga nakatatanda at nakababatang (actually, ako yung pinakabata ^_^) staff writers at artists—sina Ate Eryza, Ate Roj, Ate Jobie, Ate Floby, at si MJ. Sa taong iyon at mapahanggang ngayon, ang batch namin ang may pinakakaunting aplikanteng nakapasa sa 10 pahinang pagsusulit at pakikipanayam na ginawa ng mga ‘oldies’. Ba naman, sa batch namin ang may pinakamahirap na examinations na binigay sa buong 10 taong kasaysayan ng The Gazette (akalain n’yo, pasado ang lolo mo, at topnotcher pa! Nyehehehe).

Sa kabila ng mga prosesong aming napagdaanan, masasabing kong ang batch rin namin ang pinakakawawa sa lahat. Hindi namin naranasan ang pormal, ehekutibo, engrande, at eksklusibong 3-day seminar workshop sa Tagaytay at Batangas na kinaugalian na ng mga nakatatandang editorial board. Pinagtyagaan lang namin ang semi-seminars sa loob ng mga hindi ginagamit na rooms sa gusali ng Kolehiyo ng Sining at Agham maging sa mga dormitoryo ng mga mag-aaral sa loob ng pamantasan.

“The Neglected Batch”, ang tawag ko sa batch namin. Mantakin niyo… dadalwa na lamang kaming natirang ‘buhay’ sa batch namin. Merong mga nagmumulto kahit humiwalay na sa aming pamilya. At yung iba naman, kahit multo na’y sa ibang bahay pa rin nananakot at tila parang hindi naging bahagi ng aming dyaryo. Ang multong buhay na tinutukoy kong may alab pa rin ng STP (Serve the People) ay si Ate Tere.

Matapos ang ikalawang semestre, nagpaalam sa amin si Ate Tere na sasabak siya sa eleksyon para sa 2005-2006 Central Student Government (CSG). Alam kong masakit para sa amin ang naging hakbang ni Ate Tere, ngunit binigyang-diin niya, alam niyang maibabantayog pa niya ang pagsisilbing ginawa niya sa aming dyaryo hanggang sa pagganap niya bilang pangulo ng CSG. At oo, naging mahusay siyang lider-estudyante matapos ang kabi-kabilang kilos na ginawa ng pamantasan para abusuhin ang kamangmangan ng mga estudyante at matagumpayan nila ang kanilang sariling interes.


Dahil sa kanya, naging libre na ang mga CR (kahit na pumupuslit pa rin ang pamantasang singilin ang mga estudyante ng piso bawat pasok). Dahil sa kanya, naiwasan ang pagpapalayas sa mga estudyante mula sa kani-kanilang mga dormitoryo para bigyang tirahan ang mga nag-aaral na Koreano sa pamantasan, at iba pa. Dahil sa kanya, bumango ang pangalan ng mga lider-estudyante sa administrasyon. Dahil sa kanya, nabuo ang union ng mga lider-estudyante sa pamantasan. Dahil sa kanya, mas maraming activities ang naganap sa pamantasan kahit kapos sa budget. Dahil sa kanya, nagkapangalan uli ang CSG sa pamantasan matapos ang isang taon ng walang kwentang liderato ng dating CSG president. Malaki ang naging impluwensya ng aming publikasyon at ng kanyang malawak na partisipasyon sa iba’t ibang organisasyon sa loob at labas ng pamantasan sa kanyang maayos na liderato.


At ngayon, pinag-uusapan si Ate Tere dahil sa pangunguna niya sa pagsigaw sa harap ng maraming tao at ng ating mahal (duh?) na Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Kahit na marami sa mga nasa okasyon ang tumaas ang kilay sa komosyong idinulot ng naturang insidente, wala kaming pakialam.
Kahit na marami sa mga nasa okasyon ang nakipanayam sa media at nagbanggit ng walang kwenta at walang lohikang pagdadahilan, paninira at pambabalahura sa aming Ate Tere, wala kaming pakialam.
Ang sa amin, nagawa namin ang aming misyon.
Bwahahaha!
Dakila ka, Nanay Tere! Mabuhay ka!

Ito ang column article ni Conrado de Quiros - There’s the Rub about Ma. Theresa Pangilinan

——————-

Hindi basta-basta ang aming publikasyong The Gazette. Hindi naman sa pag-aangat ng sariling bangko, ngunit ang mapabilang sa publikasyong ito ay malaking karangalan na sa buong Region IV “daw”. Kilala daw ang aming publikasyon na isang matapang, agresibo, at aktibistang dyaryo na tumatayong sumbungan ng mga estudyante tuwing may ka-abnormalan sa pamantasan (nyehehe). Tinatalakay rin namin ang iba’t ibang isyu politikal, sosyal, ekonomiya, at skolastiko. Napapasabak rin kami sa aspetong isports at literatura. Sabi ko nung una, gaya-gaya kami sa Collegian. Sabi naman nila, ‘pag may ipinaglalabang karapatan, damayan lang ‘yan. D’un na umikot ang mundo ko… ang aking mundo sa apat na sulok ng tanggapan ng aming publikasyon. Kaya siguro kinatatakutan kami ng ibang campuses…

Naalala n’yo ba ang headline news tungkol sa Cavite State University graduation ceremony?

Oo. D’un ako nag-aaral. ‘Wag niyo nang tanungin kung bakit hanggang ngayon, hindi pa ako lumilipat ng ibang school at nagtyatiyaga ako dito. ^_^

Tags: , , ,